Calendar
BABAENG PARAK NAGPA-ANAK SA HARAP NG PNP STATION
ISANG kahanga-hangang kabutihang-loob at mabilis na pagtugon ang muling ipinamalas ng Philippine National Police (PNP) matapos tumulong ang isang babaeng pulis sa ligtas na panganganak ng isang ginang sa labas mismo ng Sto. Domingo Municipal Police Station sa Albay, gabi ng Pebrero 5, 2026.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 5 (PRO 5), kinilala ang pulis na si Police Master Sergeant Maricel Burzon, isang registered nurse, na agarang rumesponde bandang alas-7:30 ng gabi nang humingi ng tulong ang isang ina na hindi na makayanan pang makarating sa lying-in clinic dahil sa biglaang paghilab.
Ang ginang na residente ng Barangay Manila, Rapu-Rapu, Albay, ay isinakay na sana ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang madala sa pagamutan. Ngunit dahil sa mabilis na pagdating ng panganganak, napilitan silang dumiretso sa himpilan ng pulisya upang humingi ng agarang saklolo.
Sa tulong ng kaalaman ni PMSG Burzon sa larangan ng medisina, matagumpay at ligtas na naipanganak ang sanggol sa loob ng service vehicle na nakaparada sa harap ng police station. Matapos ang panganganak, agad namang isinugod ang mag-ina sa GDB Lying-In Hospital sa Bigaa, Legazpi City para sa karagdagang gamutan at obserbasyon.
Pinuri ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mabilis na pagresponde at malasakit na ipinamalas ni PMSG Burzon.
“Hindi lang ito kwento ng panganganak, kundi kwento ito ng malasakit at tunay na serbisyo. Ipinakita ni PMSG Burzon ang puso ng pagiging pulis: handang tumulong, handang magligtas, at handang kumilos kahit anong oras,” ani PGen Nartatez Jr.
Dagdag pa ni Chief PNP, PGEN Nartatez Jr., ang insidenteng ito ay patunay na ang serbisyo ng pulisya ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi pati sa pag-aaruga sa buhay ng mamamayan.
“Sa bawat pagkakataong may buhay na naliligtas, mas lalo nating pinatutunayan na ang PNP ay hindi lang tagapagpatupad ng batas—katuwang din tayo ng bawat Pilipino sa oras ng pangangailangan,” aniya.
Binigyang-diin ng PNP na ang ganitong uri ng pagtugon ay sumasalamin sa patuloy na pagsusumikap ng organisasyon na maging mas makatao, mas mabilis umaksyon, at mas malapit sa publiko.
Sa pagtatapos, muling iginiit ng PNP ang paninindigan nitong maghatid ng serbisyong may malasakit at may tunay na epekto sa buhay ng mga Pilipino—“Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”

