Heneral

NE dinalaw ng heneral

Steve A. Gosuico May 16, 2026
41 Views

Heneral1Heneral2CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City–Bumisita si Lt. Gen. Edgar Alan Okubo, deputy chief for operations ng Philippine National Police (PNP), sa lugar na ito noong Biyernes, ilang araw bago ang kanyang retirement sa Mayo 21.

Isang Ibaloi na tubong Baguio City, binigyan ng arrival honors ng mga pulis sa Nueva Ecija ang heneral sa pangunguna ni provincial director Col. Ritchie Claravall.

Dumalo sa “sentimental visit” ng heneral sina Atty. Jose Maria Ceasar, Atty. Joma San Pedro, Nueva Ecija provincial administrator, kinatawan ni Gov. Aurelio M. Umali, Col. Reynaldo Ogay, deputy regional director for administration at Myrna Javier-Reyes, pangulo ng DONATE-Philippines.

Sinariwa ng heneral ang nakaraan kung paano niya napagtagumpayan ang apat na makabuluhang taon ng serbisyo bilang group director ng 307th Provincial Mobile Group hanggang maging company commander ng Nueva Ecija Provincial Public Safety Company noong 2010.

Binisita ni Okubo ang kanyang dating opisina at inisip ang mga gampaning nagsilbing inspirasyon sa kanyang police life.

Binanggit ng heneral ang Journal Group dahil palaging headline siya sa diyaryo noon.

“Kung nandito po si Steve Gosuico palaging headline tayo sa People’s Journal noong panahon na iyun,” sambit niya.

“Ngayon ay narating ko na ang yugtong iyon ng aking paglalakbay at papalapit na ako sa pagreretiro mula sa serbisyo ng pulisya,” sabi niya.

Nagpasalamat siya sa Nueva Ecija police na naging instrumento upang marating niya ang kinalalagyan niya ngayon.

Habambuhay na nakaukit sa kasaysayan ng PNP ang kanyang pangalan bilang kauna-unahang nagtapos sa PNPA na naging direktor ng PNP Special Action Force (SAF) na kalaunan ay naging hepe ng NCRPO.