Sandro

Cong. Marcos iminungkahi magkaroon ng N. Luzon mga specialty hospitals

Mar Rodriguez Aug 22, 2022
171 Views

IMINUMUNGKAHI ng isang neophyte Ilocano congressman na magkaroon at magtatag ng mga dalubhasa at espesyalistang Ospital sa bahagi ng Northern Luzon upang maging “accessible” para sa mga mamamayan na nasa iba’t-ibang lalawigan.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 3752 na isinulong ni House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st Dist. Cong. Alexander “Sandro” Marcos na naglalayong maitatag sa Northern Luzon ang mga espesyalistang pagamutan tulad ng Philippine Heart Center (PHC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Lung Center of the Philippines, The Philippine Children’s Medical Center (PCMC), The Orthopedic Center at Philippine Cancer Center (PCC).

Ipinaliwanag ni Marcos na ang mga nabanggit na “health facilities” ay kinakailangang maipaabot sa mga Pilipinong nasa malayong lugar. Partikular na aniya ang abot kaya at murang serbisyong ibinigay ng mga espesyalitang Ospital para sa mga may sakit.

Sinabi pa ni Marcos na halos lahat ng mga pagamutan na espesyalista sa iba’it-ibang karamdaman ay nasa Metro Manila lahat kung kaya’t nagiging mahirap para sa mga nasa lalawigan na makapag-pagamot dahil kailangan pa nilang bumiyahe papuntang Maynila.

“Health facilities and services in order to be beneficial to the people. Must be adequate, affordable and accessible. The problem with our health system is that major speciality hospitals are all located in Metropolitan Manila are specially in Quezon City,” sabi ni Marcos.

Binigyang diin pa ng kongresista na karamihan sa mga Pilipinong pasyente ay naninirahan sa labas ng National Capitol Region (NCR) kaya naman dagdag pasanin pa sa kanila ang karagdagang gastos para sa pamasahe at bayad sa matutuluyan habang sila’y nasa Metro Manila.

Sa ganitong sitwasyon, ipinaliwanag pa ni Marcos na mistulang pinagkaitan na rin ng de-kalidad at maayos na “hea;th care” ang mga Pilipinong may karamdaman dahilan sa hindi umano nilang kakayanin ang gastusin pagpapagamot sa Maynila.

“Most Filipino patients residing outside the National Capitol Region (NCR). Afflicted as they are with their ailments or injuries, are additionally burdened with the additional cost of transportation and accommodations this sometimes insurmountable issue of distance tends to deny said patients with quality health care,” sabi pa ni Marcos.