QCPD

QCPD: Hindi totoo, pwedeng scam post tungkol sa amain na nang-aabuso, nanggagahasa

111 Views

INIHAYAG ng Quezon City Police District (QCPD) na hindi totoo at pinaniniwalaang isang scam ang kumakalat na Facebook post tungkol sa umano’y abusado at rapist na amain sa Quezon City.

Ayon sa QCPD, bandang alas-9:17 ng gabi noong Pebrero 21 ay agad na rumesponde ang mga tauhan ng Pasong Putik Police Station 16 sa pangunguna ni PLt. Col Gemmer Tubiera, kasama ang mga opisyal ng Barangay Greater Lagro, upang beripikahin ang ulat.

Sa imbestigasyon, natuklasan na hindi totoo ang naturang address at hindi rin makumpirma ang mga pangalang binanggit sa viral post. Gayundin, walang ebidensiya ng insidente matapos ang isinagawang house-to-house inquiry sa lugar.

Dahil dito, tinukoy ng pulisya na ang nasabing Facebook post ay mapanlinlang at layong iligaw ang publiko.

Binigyang-diin ng QCPD na seryoso nitong tinutugunan ang lahat ng ulat ng pang-aabuso, lalo na ang may kinalaman sa kababaihan at mga bata, at agad itong iniimbestigahan.

Hinimok naman ang publiko na iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon at sa halip ay direktang iulat ang mga lehitimong insidente sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa opisyal na QCPD channels upang matiyak ang agarang aksiyon.