Bomb SOURCE: QCPD-PIO

Bomb threat sa QC Hall tinext sa clerk

313 Views

 

Bomb1

Bomb2
SOURCE: QCPD-PIO

BINALOT ng tensyon ang Quezon City Hall of Justice makaraang makatanggap ng text message ang isang clerk na nagbabala hinggil sa posibleng pagsabog ng bomba.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-8:48 ng umaga nitong Biyernes nang matanggap ang mensahe na nagsasabing may bomba sa loob ng gusali.

Sinasabing isang tauhan muna sa Branch 227 ng korte ang nakatanggap ng mensahe.

Agad iniutos ni QC RTC Executive Justice Rosanna Fe Maglaya ang agarang paglilikas sa mga lahat ng mga empleado at ibang tao mula sa gusali.

Rumesponde ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 at nagsagawa ng area monitoring sa lugar.

Dumating rin ang QCPD Explosive Ordnance Disposal (EOD) Unit na nagsagawa ng paneling at sweeping operations sa loob ng Hall of Justice.

Matapos ang halos dalawang oras na inspeksyon, idineklara ng EOD team bandang alas-11:05 ng umaga na ligtas ang gusali matapos walang makitang anumang hazardous materials o pampasabog.

Samantala, nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) upang matukoy kung sino ang nagpadala ng naturang text message.

Nanawagan ang QCPD sa publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pamamagitan ng E911 o QC Helpline 122.