Taxi

Taxi driver nagpakilalang pulis para pasahero ‘kotongan’, arestado

Edd Reyes Feb 27, 2026
128 Views

TIKLO ang 39-anyos na taxi driver na nagpapakilalang pulis para takuting magbayad ng sobra-sobra sa pasahe ang sumasakay na pasahero Huwebes ng gabi sa Pasay City.

Dakong alas-11:45 ng gabi nang matiyempuhan ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto ang minamanehong taxi ng suspek na si alyas “Ben” na may plakang UVV 466 habang nakaparada at naghihintay ng mabibiktima sa F.B. Harrison St.

Nang lapitan ng mga operatiba ng CCP Complex Sub-Sation 1, napansin nila ang nakasukbit na baril sa baywang ng suspek kaya’t dito na sila nagsagawa ng pagrerekisa na nagresulta sa pagkakakumpiska sa replica ng kalibre .9mm na may magazine, at isang riot-type na granada sa harapang compartment.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, sinimulan ang pagtugis sa suspek nang magreklamo noong Pebrero 5, 2026 ang dalawang babaing estudyante na tinutukan ng baril ng taxi driver na nagpakilalang pulis para magbayad ng P6,000 ng pasahe patungo sa isang terminal ng bus sa Pasay.

Nang makiusap ang mga biktima at sinabing sakto lang ang dala nilang pamasahe, pinuwersa sila ng suspek na ilipat sa kanyang e-wallet ang pera na kanila na lang ginawa para lang makababa na ng sasakyan.

Patong-patong na kasong paglabag sa R.A.9516 (Illegal Possession of Explosives) R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Robbery with Violence ang isasampa ng pulisya sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa suspek.