Calendar
Impeachment complaints vs VP Sara dumadaan sa tamang proseso
MALIGAYANG araw sa lahat ng kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati rin natin sina Ma. Theresa Yasuki, Roana San Jose, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Endo Yumi, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God bless sa inyong lahat!
***
Kagaya ng inaasahan, patuloy na tumataas ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC).
Ito ay kaugnay sa pagdami ng mga dumarating na importasyon at iba’t-ibang ports of entry sa bansa.
Noon ngang nakaraang buwan, Pebrero, ay umabot ng P73.798 bilyon ang koleksyon ng ahensya, lampas target ng ahensiya na P72.592 bilyon.
Ayon sa ulat, ang tax collection ng BOC sa unang dalawang buwan ng 2026 ay umabot ng P154.747 bilyon, 2.5 percent o P3.729 bilyon increase kumpara sa koleksyon noong Enero-Pebrero 2025.
Ang “top performers” ay ang Manila International Container Port (MICP), Port of Batangas, Port of Manila (POM), Port of Subic (POS) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa 17 collection districts ng BOC, dalawa lang ang nabigong maabot ang kanilang assigned tax take. Ang 10 ports of entry ay nagtala rin ng surplus koleksyon.
Sa taong ito, ayon sa Department of Budget Coordinating Committee (DBCC), ang BOC ay naasahang mangolekta ng P1.184 trilyong buwis.
Noong 2025 ang assigned tax take ng BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Ariel Nepomuceno, ay P1.064 trilyon lamang.
Ayon sa mga taga-aduana ay makakaya namang abutin ng ahensiya ang 2026 collection target dahil sa mga ipinapatupad na mga reporma sa waterfront.
Ang mga repormang ito ay naglalayong higit na mapaganda ang serbisyo sa aduana alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang BOC at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay determinadong kumolekta ng mas malaking buwis para tustusan ang mga proyekto ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
****
Lalo pang pinapaigting ng Bureau of Customs (BOC), kasama ang partner agencies, ang kampanya laban sa ismagling ng sigarilyo at illegal drugs.
Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bantayang mabuti ang border para hindi makapasok ang mga kontrabando.
Kung tutuusin, malaking hamon ito sa mga ahensiya ng gobyerno dahil sa dami ng mga islang puwedeng pagdaungan ng mga barko ng mga ismagler.
Sa totoo lang, kulang na kulang tayo ng mga sasakyang pandagat para bantayan ang mahigit na pitong libong isla sa buong bansa.
Ang maganda lang, maraming kontrabando ang nasasakote ng BOC sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, National Bureau of Investigation, Department of the Interior and Local Government, at Philippine Drug Enforcement Agency.
As of March 2, ang mga otoridad ay nakasakote na ng mahigit na P1.8 bilyon na halaga ng illicit cigarettes at P760 milyon ng ipinagbabawal na gamot.
Noon nakaraang taon ay nagsagawa ang BOC ng 1,024 interdiction operations na nagresulta sa 143 drug seizures na nagkakahalaga ng P5.630 bilyon.
Umabot din ng P1.8 bilyon ang halaga ng illicit cigarettes na nasakote ng BOC sa tulong ng mga partner agencies.
“Our personal relationships with other heads of agencies are very strong and this is the main reason why inter-agency trust is now high and effective,” ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Kung magpapatuloy ang magandang ugnayang ito ay siguradong magtatagumpay ang kampanya laban sa ismagling ng sigarilyo at illegal drugs.
***
Mabuti at dumadaan sa tamang proseso ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Sa tingin natin ay tuloy na tuloy na ang maayos na proseso para hindi na muling mabulilyaso ang pagtanggal sa puwesto kay VP Duterte.
Ang kailangan lang ay masunod ang itinakda ng Korte Suprema na pamantayan kung paano matanggal ang isang impeachable government official.
Maraming naniniwala na may sapat na numero ang mga pro-impeachment na kongresista para madala ang impeachment complaint sa Senado.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang 24-member Senate ang maghuhusga kung dapat tanggalin sa puwesto ang isang impeachable public official.
At kung ma-impeach si VP President ay hindi na siya puwedeng humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com.)

