Suspek Photo courtesy of SPD-PIO

Suspek sa pamamaril sa P’que na ikinadedo ng 2 arestado

Edd Reyes Mar 7, 2026
238 Views
Suspek1
Photo courtesy of SPD-PIO

TIMBOG ang 59-anyos na suspek sa naganap na pamamaril sa basketball court ng isang pribadong condominium complex na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao at pagkasugat ng apat pa noong Miyerkules ng gabi sa Brgy. Marcelo Green, Paranaque City.

Sa loob lamang ng 48 oras makaraan ang krimen, natunton ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo si alyas William, residente ng Miami Azure Resort sa Brgy. Marcelo Green dakong alas-8:30 ng Biyernes ng gabi sa isang condominium unit sa Barangay Moonwalk, Paranaque City.

Napatay sa naturang krimen sina alyas Edwin, 57, at alyas Arjay, 29, habang sugatan ang apat pang sina alyas Mark, 26, alyas Carlos, alyas Regie, 30, at alyas John, 42.

May matagal na umanong alitan ang suspek at si alyas Edwin na hinihinalang naging ugat ng pamamaril.

Ayon kay Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon, isinilbi rin nila sa suspek ang nakabimbing warrant of arrest sa kasong homicide na inilabas ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) noon pang taong 2012.

Nakumpisa ng pulisya sa suspek ang dalawang kalibre .9mm pistol, apat na magazine, mga kalibre .9mm na bala, at ilang personal na gamit na magagamit bilag ebidensiya sa nangyaring krimen.

Inihahanda na ng pulisya ang mga isaampang kasong dalawang bilang na Murder, apat na bilang ng Frustrated Murder, at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Paranaque City Prosecutors’ Office.