Isko

Yorme Isko nag-inspeksyon ng mga gas stations

Edd Reyes Mar 12, 2026
142 Views

ININSPEKSYON ni Mayor Isko Moreno Domagoso noong Huwebes sa Sta. Cruz, Manila ang mga gasoline stations upang tiyaking sumusunod sa tamang presyo na itinakda ng pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng halaga ng langis.

Ayon sa alkalde, bahagi ito ng lokal na pamahalaan na maprotektahan ang mga consumers laban sa mga nagsasamantalang gas stations na lumalagpas sa itinakdang presyo ng langis ng Department of Energy (DOE).

Binalaan din niya ang mga magtatangkang magsasamantala sa sitwasyon para kumita ng malaki.

Binigyang diin ni Mayor Isko na ang pagnenegosyo sa Maynila ay isang pribilehiyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan na maaaring bawiin kapag napatunayang umabuso.

Kaugnay nito, inihayag ni Mayor Isko na mahigit 10,000 tricycle drivers sa Maynila ang tatanggap ng P5,000 ayuda sa susunod na linggo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Unang makakatanggap ang mga tricycle driver dahil mas madaling matukoy ang mga ito batay sa listahan na isinumite ng mga lokal na pamahalaan.

Makakatanggap din ng ayuda ang mga jeepney drivers, taxi operators, mga driver ng transport network vehicle service (TNVS), riders at bus drivers na susunod na pamamahagi kapag naisumite na ng ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan.