Sekyu Source: QCPD FB

Flash alarm inilabas sa puting Toyota Hilux na ‘sangkot’ sa pamamaril ng sikyu

248 Views

PINAGHAHANAP ng pulisya ang isang motorista na umano’y bumaril sa isang security guard sa Quezon City nitong Martes ng hapon.

Naglabas ng flash alarm ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa isang puting Toyota Hilux pickup na may plakang MRK 8888, na pinaniniwalaang sangkot sa pamamaril sa harap ng isang bangko sa E. Rodriguez Sr. Avenue, Barangay Pinagkaisahan.

Sa ulat, nangyari ang insidente bandang 1:30 ng hapon habang tumutulong ang sekyu sa mga kliyente ng bangko nang bigla itong tamaan ng bala sa tiyan.

Agad na dinala sa ospital ang biktima at kasalukuyang nagpapagaling.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, natunton ang pinanggalingan ng putok matapos suriin ang CCTV footage, kung saan nakita ang pickup na hinihinalang pinanggalingan ng bala.

Nakikipag-ugnayan na ang QCPD sa Firearms and Explosives Office at Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang rehistradong may-ari ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, kapag napatunayang may rehistradong baril ang may-ari, maaari nilang irekomenda ang pagkansela ng lisensya nito alinsunod sa umiiral na batas.

Hinimok naman ng QCPD ang sinumang may impormasyon tungkol sa sasakyan na tumawag sa Unified 911, QCPD Helpline 122, o sa Kamuning Police Station 10 hotline na 0915-398-2021.