Calendar
Dapat may masampolan na tiwaling enforcer
HINDI pa pala natitigil ang paniningil ng pass-through fees ng mga mapagsamantalang traffic enforcers ng ilang mga lokal na pamahalaan kahit matagal na itong ipinagbawal ng pamahalaan.
Mismong ang Pangulong Fedinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nakatanggap ng impormasyon sa patuloy na pangongolekta ng pass-through fees kaya muli siyang nagpaalala sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan na tigilan na ito lalu na ngayong dumaranas ang bansa ng mataas na halaga ng langis.
Noon pa kasing Setyembre ng taong 2023 inilabas ng Pangulo ang Executive Order No. 41 na nagbabawal sa koleksiyon ng pass-through fees at iba pang uri ng singilin sa mga behikulong nagluluwas ng produktong pagkain sa kalungsuran pero muli niya itong ipinaalala dahil sa natanggap na impormasyon.
Bukod kasi sa pass-through fees, ipinagbabawal na rin ang pagkolekta ng iba pang bayarin tulad ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, at maging parking fee na isa sa dahilan ng pagtaas ng mga produktong agrikultura na iniluluwas sa Kamaynilaan
Kahit kasi batid ng mga biyahero na bawal na ito, napipilitan pa rin silang magbayad para makaiwas sa panggigipit ng mga tiwaling traffic enforcer na hinahanapan ng paglabag ang mga hindi nagbabayad ng pass-through fee.
Kabilang daw sa mga paglabag na ikinakargo ng mga hindi nagbibigay ng kotong ang overloading, paglabas sa tamang linya, swerving, at kung ano-ano pa para lang gipitin ang mga tsuper at mapilitang magbigay ng regular na pass-through fee.
Mas malaki kasi ang mawawalang kita ng mga biyahero kung maaabala sila sa biyahe dahil kailangan nilang mailuwas ng lagpas hatinggabi ang kanilang mga produkto upang kaagad nila itong madiskarga bago pa abutin ng umaga kung saan masikip na ang daloy ng trapiko.
Dapat sigurong may ma-sampolan na mga tiwaling traffic enforcer, pati na ng pinuno ng lokal na pamahalaan o department head na may kontrol sa mga enforcer para matuldukan na ang pangongotong nang sa gayon ay maibsan kahit papaano ang pagtaas ng presyo ng pagkain.
Pagbabawal sa menor-de-edad na maka-access sa social media, lumusot kaya?
MAGANDA ang panukalang ibawal na sa mga menor-de-edad na maka-access sa social media lalu na’t layon nitong protektahan sila cyberbullying, pagkabalisa, depresyon, pagkalantad sa kalaswaan, at iba pa.
Hindi kasi kaila na maraming mga bata ngayon ang mas aktibo pang gumamit ng social media kumpara sa mga nasa hustong gulang kaya kabilang sa layunin ng panukala na bigyan ng responsibilidad ang kanilang mga magulang sa pagpigil sa mga bata pa nilang anak na maka-access sa mga social media platform.
Sa ibang mga bansa kasi tulad sa France, Spain, at Australia, ipinagbabawal sa mga kabataang may edad na 16-pababa ang maka-access sa social media gayung sa datus, mas maraming kabataan dito sa ating bansa ang nahuhumaling na sa pagbubukas ng social media.
Kaya lang, kahit na siguro lumusot at maging isang batas ang House Bill 8262, baka mahirapan din itong maipatupad lalu na’t pagberipika lang sa edad ang unang batayan sa pagrehistro sa mga social media site na madaling mapalsipika lalu na sa kahusayan ngayon sa paggamit ng social media ng kabataan.
Hindi ba’t mismong ang ilang mga magulang pa nga ang humihikayat sa mga musmos nilang anak na maka-access sa social media nang sa gayon ay hindi sila mahirapan sa pag-aalaga?.
Nagiging instant yaya na rin kasi ngayon ng mga bata ang mga gadget tulad ng cellphone at tablet nang sa gayon ay hindi na sila maglikot lalu na’t abala ang kanilang ina sa mga gawaing bahay.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
