Calendar
Libreng sakay sa Malabon tagumpay
NAGKAROON ng libreng-sakay sa Malabon para sa mga commuters bilang tugon sa ginawang tigil-pasada ng ilang grupo ng pampublikong sasakyan noong Huwebes.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, inihanda nila ang mga behikulong mag-aalok ng libreng sakay sa kanilang mga kababayan upang masigurong makakarating ng ligtas at sa tamang oras sa kanilang mga paroroonan.
Nakipag-ugnayan ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) sa iba’t-ibang departamento upang makapag-deploy ng kanya-kanyang sasakyang magagamit para sa libreng sakay kapag naipon sa lansangan ang mga mananakay.
Madaling araw pa lang ay naka-deploy na rin sa iba’t-ibang lugar sa Malabon City ang mga tauhan ng Mayor’s Complaint and Action Team, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection upang makatulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, magbigay ng seguridad at mag-monitor sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.
Nauna ng nakipag-ugnayan ang PSTMO sa Malabon Jeepney Transport Service Cooperative na hindi lumahok sa tigil-pasada para alamin ang kanilang mga ruta upang hindi na sila makapag-deploy doon ng libreng sakay.
Pinaalalahanan ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang bawat Malabueño na manatiling kalmado, magplano ng kanilang biyahe at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan.

