Ayuda Source: File photo

Driver pumilya sa ayuda, hinimatay

218 Views

ISANG 40-anyos na lalaking driver ang nahimatay habang nakapila para sa distribusyon ng Social Welfare Assistance para sa PUJ Fuel Subsidy sa Quezon Memorial Circle nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay residente ng Roses, Dahlia, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Kamuning Police Station 10 at Quezon City Hall Detachment, naganap ang insidente bandang alas-11:50 ng umaga habang naghihintay ang biktima sa distribusyon ng Social Welfare Assistance para sa PUJ Fuel Subsidy.

Agad rumesponde ang mga pulis na pinamumunuan ni PMAJ Rohaina Asalan kasama sina PLT Bautista at PEMS Morzo, pati na ang Disaster Management personnel. Napansin umano ng mga otoridad ang biglaang pagbagsak ng biktima kaya’t mabilis siyang tinulungan.

Dumating din ang rescuers ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office at agad isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital.

Kalaunan ay nagkamalay na rin ang biktima.

Patuloy pang inaalam ang sanhi ng kanyang pag-collapse habang nakapila sa ayuda.