Calendar
Baril pinaglaruan ng magkaibigan, 13-anyos tinamaan, patay
PATAY ang 13-anyos na binatilyo matapos aksidenteng mabaril ng kaniyang kaibigan sa Brgy. Commonwealth, Quezon City noong Lunes.
Kinilala ang biktima sa alyas Goygoy, na dead-on-arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa ulo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang 22-anyos na suspek na si alyas John na kaibigan ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng suspek.
Ayon sa dalawang saksi, nagtungo sila sa bahay kung nasaan ang dalawa bandang alas-9:20 ng gabi upang singilin ito sa utang.
Nasa loob din umano ng nasabing bahay ang biktima.
Matapos mabayaran ay umalis na ang dalawa, ngunit pagkaraan ng ilang minuto ay nakatanggap umano sila ng tawag mula kay John na may nangyaring aksidente.
Pagbalik ng mga saksi, tumambad ang duguang biktima na may tama ng bala sa ulo.
Dito na umano nito itinuro si John bilang bumaril bago tuluyang mawalan ng malay.
Ayon naman sa suspek, naglalaro umano sila ng baril nang bigla itong pumutok at tinamaan ang binatilyo.
Narekober sa pinangyarihan ang isang kalibre .38 na baril, mga bala at ilang sachet ng hinihinalang marijuana.

