Ayuda Source: File photos

MC taxi rider pumila para sa P5K ayuda, inatake puso, patay

36 Views

PilaPATAY ang isang 44-anyos na motorcycle taxi rider matapos atakihin sa puso habang nakapila para sa ₱5,000 ayuda sa Quezon City Memorial Circle nitong Sabado, Abril 18.

Ayon kay Irene Dumlao, tagapagsalita ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang biktima ay residente ng Pasig City. Inatake umano ito sa puso habang nakapila sa payout center.

Agad siyang binigyan ng first aid at CPR ng mga rumespondeng tauhan, ngunit wala na itong pulso at hindi na rin humihinga. Isinugod pa sa pinakamalapit na ospital ang biktima ngunit idineklara na rin itong dead on arrival.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pamilya ng nasawi. Ayon sa kalihim, agad na nakipag-ugnayan ang DSWD sa ospital, pamilya, at employer ng rider matapos matanggap ang ulat mula sa Quezon City response team.

Nag-deploy din ng team ang ahensya upang tumulong sa pamilya, at personal pang bumisita si Gatchalian sa ospital kinabukasan upang alamin ang kanilang pangangailangan.

Nagkaloob na rin ng tulong ang DSWD para sa gastusin sa ospital, burol at libing, transportasyon ng mga kaanak, at para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng anak na babae ng nasawing rider.

Ang biktima ay nagtungo sa QC Memorial Circle upang mag-claim ng ayuda matapos payagan ng DSWD ang mga motorcycle taxi at delivery service drivers na hindi pa nakakatanggap ng tulong na mag-claim sa pinakamalapit na payout site. Karamihan sa mga dumagsa sa lugar ay mula sa Marikina, San Juan, Pasig at Quezon City.