Calendar
Ama, 3 pang suspek sa pagpatay sa 16-anyos na bebot nasakote
CAMP OLIVAS, SAN Fernando, Pampanga–Naaresto sa lalawigang ito ang apat na suspek, kabilang ang ama ng biktima, sa pagpatay ng 16-anyos na dalagita, ayon kay PRO-3 director Brig. Gen. Jess Mendez.
Sinabi ni Bulacan police director Col. Jay Baybayan na nagsimula ang kaso noong Abril 18 nang iulat ang patay sa bakanteng lote malapit sa Angat River sa Brgy. San Pedro, Bustos.
Kinumpirma na ang biktima ay ang 16-anyos na dalagita na iniulat na nawawala mula pa noong Abril 11.
Natagpuan ang kanyang bangkay na bahagyang nakatago sa damuhang lugar.
Isa sa mga inaresto ay ang sariling ama ng biktima na siyang nag-ulat ng pagkawala ng biktima.
Ayon kay Col. Baybayan, pinaigting ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa pamamagitan ng mga panayam at pangangalap ng intelligence upang matukoy ang mga pangyayari sa krimen na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek na sinundan pa ng tatlo pang indibidwal na sangkot sa pagpatay
“Ito ay malinaw na patunay ng aming patuloy na komitment na maghatid ng mabilis, tapat, at nararamdamang serbisyo. Tinitiyak namin sa publiko na ang hustisya ay walang sawang isusulong at ang mga responsable ay papanagutin,” ani Mendez.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang lahat ng suspek.

