Calendar
Isyu sa YAKAP sa San Antonio hiniling na linawin
SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Ipinatawag sa bayang ito ang mga personalidad upang ipaliwanag ang ilang usaping may kaugnayan sa programang YAKAP ng PhilHealth.
Usapin dito na linawin kung bakit may mga taga-San Antonio na nalamang rehistrado na pala sila sa klinikang nakalista sa YAKAP gayung kahit kailanman hindi pa sila nakapunta dito, ayon kay Vice Mayor Arvin Salonga.
Kabilang sa inanyayahan sa sesyon sina Agnes Mangulabnan, proprietor ng R+A Clinic sa Brgy. San Francisco; Dr. Napoleon Palor, hospital chief-San Antonio District Hospital; Analiza Delos Reyes, chief nurse; Reyward Mallare, nurse; Aireen Delfin, administrative officer; Dr. Mobby Mae E. Mercado, acting MHO, at Joel Villas, acting BPLO.
Ang paanyaya ay bunsod ng natanggap ni Councilor Arvin Carl Salonga na liham mula sa isang Mang Juvenal ng Brgy. Poblacion na nagulat umano siya nang pagdulog niya sa rural health office ng San Antonio ay nalaman niyang rehistrado na agad siya sa YAKAP program gayong hindi niya alam kung saang lugar ito at hindi pa siya kailanman napupunta dito.
Binanggit na may pagkakataong posibleng nailista ang isa o mga indibidwal sa PhilHealth-Yakap sa mga dinadaos dati na medical missions ng mga pribado o pampublikong grupo kapag dumayo ito sa isang lugar.
Ayon kay Dra. Mercado, simula Marso 1, 2026 ay inihinto ng PhilHealth ang clinic-assisted mode na primary care provider selection ng Yakap at pag-enrol na pasyente thru walk-ins sa mga indibiduwal na Yakap clinics.
“Ito kasi ang nangyayari dati, may dumayong medical mission halimbawa from Pampanga o sa ibang lugar, nanggamot dito sa San Antonio tapos narehistro sila sa Pampanga,” paliwanag niya.
