Hangin

Hangin sa Metro Manila ‘good’ na

Edd Reyes May 3, 2026
30 Views

GUMANDA na ang kalidad ng hangin sa malaking bahagi ng Metro Manila dahil sa lumawak ang naabot ng pagtatambak ng putik at lupa sa mga apektadong lugar sa Navotas sanitary landfill na mahigit tatlong linggo nang nasusunog.

Sa ilalim ng Air Quality Index noong Sabado, “good” na ang kalidad ng hangin mula sa dating “fair” ang karamihan sa mga lungsod sa Metro Manila, maliban sa Valenzuela at Marikina na nasa “fair.”

Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, narating na ng mga heavy equipment na nagtatambak ng lupa at putik ang pinakamataas na bahagi ng tambak ng basura sa lumang landfill at pababa na ang trabaho patungo sa mga apektado pang lugar.

Tututukan ng Bureau of Fire Protection simula sa Linggo ang “misting” o pagbubuga ng tubig sa mga tuyong bahagi na naapula na pero hindi pa natabunan ng lupa upang maiwasan ang muling pagliyab habang hinihintay ang karagdaang supply ng lupa na itinambak.

Tiniyak ng alkalde na pinapahusay nila, katuwang ang Department of Public Works and Highways, ang mga hakbang upang mas mapabilis ang pag-apula ng sunog at maibalik na sa normal ang buhay ng mga pamilyang naapektuhan.