Calendar
Belmonte bumuo ng task force on fire prevention dahil sa sunod-sunod na insidente ng sunog sa QC
BUNSOD nang sunod-sunod na insidente ng sunog sa Quezon City, inihayag ngayon ni Mayor Josefina “Joy” Belmonte na itinatag niya ang “Task Force on Fire Prevention and Preparedness” na makikipagtulungan din sa City Council upang magbalangkas ng local Fire Safety Code.
Sinabi ni Mayor Belmonte na ang Task Force on Fire Prevention and Preparedness ay binubuo ng iba’t-ibang tanggapan sa QC kabilang na ang mga “utility companies” tulad ng Meralco at water concessionaires gaya ng Maynilad at Manila Water.
Ipinaliwanag ni Belmonte na layunin ng Task Force na magbalangkas ng mga polisiya at programa para sa fire prevention. Tungkulin din aniya ng binuong Task Force na alamin ang mga pangunahing dahilan (causes) ng serye ng sunog sa QC.
Ayon sa QC Mayor, sasaliksikin ng Task Force ang naging dahilan ng mga nangyaring sunog sa Lungsod at magbalangkas ng mga hakbang at programa upang hindi na ito muling mangyari.
Binigyang diin ni Belmonte na pag-aaralan ng Task Force ang mga hakbang na maaaring gawin para hindi na masundan pa ang serye ng sunog na naganap sa QC kamakailan. Kung saan, ang huling insidente ay naganap sa West Riverside St. sa San Francisco del Monte (SFDM).
“Dahil sa sunod-sunod na insidente ng sunog sa ating Lungsod. Lumikha tayo ng Task Force upang pag-aralan ang mga hakbang na pupuwedeng gawin para maiwasan ang mga sunog,” sabi ni Belmonte.
Nananawagan din si Mayor Belmonte sa mga residente na maiiwasan ang sunog kung ang komunidad mismo ang gagawa ng paraan upang mapanatiling ligtas ang kanilang tahanan at pamilya.