Calendar
Gas and run suspek sumuko
SUMUKO na sa pulisya ang suspek sa panibagong insidente ng “gas-and-run” sa isang gasoline station sa Mindanao Avenue, Quezon City.
Kinilala ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas “Michael,” 39-anyos, na boluntaryong nagtungo sa Project 6 Police Station (PS 15) dakong alas-10:30 ng gabi noong Mayo 6.
Ayon sa imbestigasyon, natunton ng mga awtoridad ang address ng rehistradong may-ari ng sasakyan sa San Leonardo, Nueva Ecija sa tulong ng Santa Rosa Municipal Police Station, San Leonardo Municipal Police Station, at mga opisyal ng Barangay Mallorca
Pagdating sa bahay, natuklasang wala roon sina Jherosalyn at ang mister nitong si Michael. Sa tulong ng kanilang mga anak, nakontak ng mga operatiba ang suspek sa pamamagitan ng cellphone.
Sa pag-uusap, inamin umano ni Michael ang pagkakasangkot sa insidente at nagpahayag ng kagustuhang personal na humingi ng tawad sa biktima.
Kalaunan ay personal na sumuko ang suspek sa PS 15 at isinuko rin ang sasakyang ginamit sa insidente.
Hiniling na rin ng QCPD sa Land Transportation Office (LTO) na maglabas ng show cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan para sa kaukulang aksyon.
Samantala, nakatakdang sampahan ng kasong estafa ang suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Actions have consequences, and incidents such as this should remind everyone that responsibility and accountability always prevail. The QCPD will continue to uphold the law and ensure that justice is served fairly and promptly,” ani PBGEN Silvio.
