Chua

Iba’t ibang records nagsilbing batayan ng probable cause sa umano’y ill-gotten wealth ni VP Sara — Chair Chua

40 Views

BINANGGIT ni Joel Chua, kinatawan ng Maynila, nitong Sabado ng gabi ang iba’t ibang dokumentaryong rekord—kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), at notices of disallowance ng Commission on Audit (COA)—bilang matibay na batayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at hindi maipaliwanag na yaman ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Bagama’t hindi nangangahulugang deklarasyon ng pagkakasala ang unanimous finding ng House Committee on Justice na may probable cause, sinabi ni Chua na kinakailangan pa ring magharap ng kontra-ebidensya ang bise presidente upang pasinungalingan ang mga alegasyon kung hindi ito totoo.

“Hindi natin sinasabing guilty na siya. Ang basehan lang natin dito ay probable cause. Ibig sabihin, malamang na nagawa ito. Pero siyempre, may mga ebidensya siyang dapat ipakita para ma-rebut ang lahat ng alegasyon,” ani Chua sa panayam sa programang “Politika All The Way” ng ONE News.

Ipinaliwanag ni Chua na isa sa pangunahing usaping itinaas sa mga reklamong impeachment ay ang umano’y pagkakaiba ng mga deklarasyon sa SALN ni Duterte kumpara sa mga bank transactions nila ng kanyang asawa sa nakalipas na dalawang dekada.

Ayon sa kanya, mula 2007 hanggang 2018, makikita sa SALN ni Duterte ang milyun-milyong pisong cash on hand at bank deposits kada taon. Ngunit mula 2019 hanggang 2024, sinabi niyang nakalagay na zero ang mga naturang entries, habang paliwanag umano ng depensa na isinama raw ang mga ito sa kategoryang “others.”

Kinuwestiyon ni Chua ang paliwanag na ito dahil ang halagang nakasaad sa “others” ay umabot lamang umano sa P5.8 milyon sa isang taon. Samantala, ipinakita naman ng datos mula sa AMLC na may humigit-kumulang P6.7 bilyong bank transactions sa loob ng ilang taon, na binubuo ng inflows at outflows.

Sa halagang ito, sinabi niyang tinatayang P4 bilyon ang inflows habang nasa P1.8 bilyon naman ang outflows, na nag-iiwan ng balanse na aniya’y lalo pang nagpapataas ng mga katanungan kapag ikinumpara sa kanilang idineklarang kita.

“O ngayon, paano mo ngayon pagbabanggain ang dalawa? Anong mathematical computation ang gagawin mo ngayon?” ani niya.

Iginiit din ni Chua na kahit kwentahin batay sa karaniwang suweldo ng isang opisyal ng gobyerno sa mahabang panahon, hindi pa rin umano nagtutugma ang mga numero sa idineklarang kakayahang pinansyal ng isang lingkod-bayan.

“So halimbawa, ang isang government official ay sumesweldo ng P300,000 kada buwan. Kapag minultiply mo iyan sa isang taon, nasa P3.6 milyon lang. Sa sampung taon, nasa P36 milyon lang iyon,” aniya.

“Hindi nagtutugma ang kwenta,” dagdag niya.

Binanggit din ng lider ng Kamara mula Maynila ang mga rekord ng SEC na nagpapakitang ang mga negosyo umano na konektado kay Duterte at sa kanyang asawa ay nakapagtala ng maliit na kita o kaya ay nalugi, na lalo umanong nagdaragdag sa mga tanong tungkol sa pinanggagalingan ng kanilang yaman.

“Lumabas sa SEC na lahat ng negosyong binuksan nila ay lugi. Lahat declared loss. Kung may kumita man, hindi naman ganoon kalaki. Ang kita ay P1 point something million, P400,000,” ani Chua.

“O ngayon, anong depensa ang gagawin mo? Paano mo sasabihing politika lang iyan? Iyan ang usapin sa ill-gotten wealth,” dagdag niya.

Samantala, hinggil naman sa paggamit ng confidential funds, binanggit ni Chua ang sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakitang marami sa mga pangalan ng benepisyaryo sa acknowledgment receipts ay walang katumbas na rekord sa civil registry, na nagdudulot umano ng seryosong pagdududa sa kanilang pagkakakilanlan at sa pagiging lehitimo ng mga sinasabing tumanggap ng pondo.

“Dito lumabas iyong mga pangalang Mary Grace Piatos at Kokoy Villamin, di ba? Nang hiningi namin sa PSA, wala raw ganitong mga pangalan na buhay. Hindi sila nag-eexist,” ani niya.

Kahit pa ipalagay na totoo ang mga benepisyaryo, sinabi niyang kailangan pa ring ipaliwanag ng Office of the Vice President (OVP) kung paano at bakit gumastos ito ng P1 milyon para sa renta ng isang “safe house” sa loob lamang ng apat na araw, batay sa mga resibong isinumite sa COA.

Binanggit din ni Chua ang mga audit findings, kabilang ang notices of disallowance na sumasaklaw sa P73 milyong confidential funds noong huling quarter ng 2022 at karagdagang P375 milyon para sa unang tatlong quarter ng 2023. Aniya, naging pinal na sa Commission Proper ang unang notice of disallowance matapos ibasura ang apela ng OVP, kung saan sinabi ng en banc ruling na hindi sapat ang naging paliwanag sa mga ginastos.

Tinukoy rin niya ang mga natuklasan ng Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng “Youth Leadership Summits” ng Department of Education, at sinabing mismong Philippine Army na ang nagpahayag na wala silang natanggap na confidential funds para sa pagsasagawa ng mga training at sa halip ay gumamit lamang ng sarili nilang pondo at pondo mula sa mga local government unit.

“Inamin naman nila. Nasa rekord iyon. Sinabi mismo ng marine na nag-isyu ng sertipikasyon na apat na beses silang walang natanggap,” dagdag niya.

Ito ang ilan sa mga dokumentaryong ebidensyang iniharap sa clarificatory hearings ng Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa bise presidente. Ang parehong mga rekord ay isinama rin sa mga artikulo ng impeachment na inihanda ng komite, na bobotohan sa plenaryo sa Mayo 11 kung ipapadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.