Isko

ER ng Ospital ng Maynila isasara para sa repair

Edd Reyes May 21, 2026
35 Views

INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno na isasara ang emergency room ng Ospital ng Maynila simula sa Mayo 24 hanggang Hunyo 1 upang bigyang daan ang repair sa ilang bahagi ng pasilidad.

Ilang linggo nilang pinag-aralan kung paano kumpunihin ang ER ng ospital nang hindi maantala ang serbisyo sa pasyente, ayon sa mayor.

Kaya napagpasyahan na isara na lang dahil delikado kung hindi sususpendihin ang operasyon.

“Napagpasyahan na ng inyong lingkod to bite the bullet. Isara natin saglit. Hindi po ligtas para sa lahat. Sa lahat ng nasa loob: sa pasyente, doktor, at manggagawa.

Ginawa na namin yung lahat ng diskarte, lahat ng abilidad, lahat ng pamamaraan na hindi maistorbo yung emergency room pero hindi po talaga pwede,” sabi ni Mayor Isko.

Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Grace Padilla na lahat ng pasyenteng may matinding pangangailangang medikal ay dadalhin sa iba pang government hospital sa lungsod hangga’t sumasailalim sa pagkukumpuni ang ER ng Ospital ng Maynila.

May naka-antabay na mga ambulansya sa labas ng OsMa at may tent na ring ilalagay sa labas na pwedeng pansamantalang tuluyan ng mga pasyente.

Nangako si Mayor Isko Moreno na 24-oras ang gagawing pagkukumpuni upang matiyak na mabubuksan ito sa Hunyo 1.