Hot News

Lalaki kumagat sa extra service sa masahe, nabiktima ng sex kotong

45 Views

MasahistaARESTADO ang dalawang babae matapos umanong mangikil at pagnakawan ang isang lalaking kanilang nabiktima sa pamamagitan ng online massage service sa Quezon City.

Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Mary Grace,” 30, residente ng Cubao; at alyas “Kharen,” 29, residente ng Brgy. Central, Quezon City. Tinutugis pa ang isa nilang kasabwat na si alyas “Liza.”

Sa ulat ng Quezon City Police District, nag-book online ng massage service ang biktima. Habang nasa sesyon, inalok umano siya ni “Liza” ng dagdag na serbisyo bago siya nakatulog.

Dito na umano lihim na kinunan ng video ang biktima at tinangay pa ang kanyang mga electronic gadget. Pagkagising, tinakot umano siyang ikakalat sa social media ang naturang video kapag hindi nagbigay ng pera.

Dahil sa takot, napilitang magbayad ang biktima ng P45,000 sa mga suspek.

Nang magpatuloy umano ang pangingikil, humingi na ng tulong ang biktima sa Cubao Police Station 7 at sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center na agad nagsagawa ng entrapment operation noong Mayo 20 sa harap ng Gold’s Gym sa Manhattan Heights Tower A, Araneta City, Brgy. Socorro, Cubao.

Naaresto si “Mary Grace” habang tinatanggap umano ang pera mula sa biktima habang nagtangkang tumakas si “Kharen” patungo sa kanilang inuupahang condominium unit ngunit agad ding nasakote ng mga operatiba.

Narekober mula kay “Kharen” ang assorted drug paraphernalia. Lumabas din sa beripikasyon na may dati na itong kaso sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong robbery extortion habang karagdagang kaso namang paglabag sa R.A. 9165 ang isinampa laban kay “Kharen.”