Calendar
Lalaki tsugi sa hampas ng baseball bat, suntok ng grupo

PATAY ang isang 26 na lalaki matapos pag tulungan bugbugin at pag papaluin ng isang baseball bat kung saan kitang kita sa kuha ng CCTV sa kahabaan ng Sagrada Familia St,.corner Onyx St,.San Andres Bukid, Manila.
Nakilala ang biktima na si alyas “Vincent”, self-employed, at huling naninirahan sa Opalo St., Brgy. 764, San Andres Bukid.
Arestado naman ang isa sa mga suspek na nakilalang alyas ‘CM,’ 24, tubong San Juan City, lalaki, walang trabaho, at naninirahan sa Brgy. 767, Sta. Ana, Maynila. Patuloy pang pinaghahanap ang tatlo niyang kasamahan.
Ayon sa report, nabatid sa inisyal na imbestigasyon na bandang alas-7:30 ng gabi noong Mayo 12, 2026, dumating ang biktima at ang saksi na si alyas “Adriean” sa kanilang lugar ng negosyo na matatagpuan sa kahabaan ng Road 6, San Andres Bukid.
Hindi nagtagal, umalis ang dalawa patungo sa tirahan ng kanilang amo na matatagpuan sa Opalo Street, sakay ng motorsiklo na minamaneho ng saksi.
Pagdating sa Sagrada Familia St., sinadyang harangan ang kanilang dinadaanan ng isang grupo ng mga di pa nakikilalang mga lalaki.
Nang huminto ang motorsiklo, lumapit ang isa sa mga suspek sa biktima at hinampas ito ng baseball bat sa ulo.
Nakababa pa ang biktima at nagtangkang tumakbo. Siya ay naharang at napigilan ng tatlo pang lalaki.
Ang biktima ay paulit-ulit na hinampas ng baseball bat at pinagsusuntok ng grupo hanggang humandusay ito sa kalye.
Nakatakas naman ang saksi upang humingi ng tulong. Pagbalik sa lugar, nadiskubre niya ang biktima na duguan.
Agad na isinakay ang biktima sa motorsiklo at isinugod sa Ospital ng Maynila para sa emergency medical treatment.
Ang biktima ay binawian ng buhay dahil sa “brain herniation syndrome” noong bandang 6:17 ng gabi noong Mayo 13, 2026, ayon sa attending physician na si Dr. Antonio Guevarra.
Ang insidente ay iniulat sa MPD Police Station-6 Sta Ana. na agad na nagsagawa ng follow-up na operasyon.
Sa backtracking ng CCTV footage na nakuha mula sa lugar, ay natukoy ng mga operatiba ang mga suspek na nagresulta sa pagkakatimbog ng isa sa mga ito.
Patuloy ang follow-up operations para sa posibleng pagkakaaresto sa iba pang suspek.
Nabatid pa sa imbestigasyon na ang insidente ay nagmula sa naunang engkwentro kung saan hinarass umano ng biktima ang kapatid ng isa sa mga suspek.
Inihahanda naang mga kaukulang dokumento para sa inquest proceedings ng arestadong suspek sa Office of the City Prosecutor, Manila.

