5 nagbebenta ng fake wristband sa Slasher Cup arestado

Edd Reyes May 26, 2026
52 Views

LIMA ang inaresto sa bentahan ng pekeng wristband sa ginanap na 2026 World Slasher Cup sa Smart Araneta Coliseum, ayon sa mga pulis ng Quezon City.

Ayon sa mga awtoridad, ibinibenta ng mga suspek ang mga pekeng access wristband sa mga manonood upang makalusot sa international cockfighting derby at malinlang ang organizer na Uniprom, Inc.

Nagsimula ang operasyon alas-5:00 ng hapon noong Mayo 21 matapos mahuli ng security personnel ang ilang indibidwal na nagkakabit ng pekeng wristband at huwad na validation stamp sa mga dumadalo malapit sa Farmers Market.

Tatlo sa mga suspek ang agad na naaresto kahit nagtangka pang tumakas at nasamsam sa kanila ang dose-dosenang pekeng wristbands at counterfeit stamps.

Isang kasabwat ang nakatakas at patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nagsampa ng reklamo ang Uniprom, Inc. kaya nagsagawa ng buy-bust ang mga pulis noong Mayo 22 sa South Gate ng Smart Araneta Coliseum.

Doon, nasakote ng mga operatiba ang isang 42-anyos na mekaniko na nahuling nagbebenta ng pekeng wristband sa halagang P1,000 kada isa.

Sa kanyang pagkakaaresto, natunton din ang umano’y supplier na 37-anyos at nasamsaman pa ng karagdagang pekeng kagamitan.

Nahaharap ang limang suspek sa kasong estafa through falsification of private documents.