Isko

Maynila naghahanda sa tag-ulan

Edd Reyes May 29, 2026
33 Views

Isko1TINIYAK ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na puspusan ang paghahanda ng syudad para sa nalalapit na tag-ulan upang maibsan ang pagbaha sa mga lansangan na nakakaapekto sa pagpasok ng mga estudyante.

Sinuyod na ng mga kawani ng Department of Environment and Public Services ang mga kalyeng Marcelo H. Del Pilar, Mabini, T.M. Kalaw, Quirino, Pedro Gil, Taft at Roxas para sa sweeping operations at hindi na mapunta sa mga estero ang nagkalat na basura.

Intasan din ng alkalde si Department of Engineering and Public Works (DEPW) head Engineer Armando Andres na ipagpatuloy ang cleaning at declogging sa mga drainage, partikular sa Padre Burgos Avenue at mga kalyeng sumasakop sa university belt.

“Hindi po tayo mapapagod sa pagpapantili ng kalinisan at kaayusan sa lungsod. Nakikiusap din po tayo sa ating mga mamamayan, tayo po ay magtulungan sa paglilinis upang mas makamit po natin ang isang malinis, maaliwalas at ligtas na Maynila,” pahayag ni Eng. Andres.

Ang mga tauhan ni Director Kenneth Amurao, hepe ng Department of Environment and Public Services (DEPS), nagtungo sa estero de Magdalena sa Bambang St., Sta. Cruz, Manila upang hakutin ang sako-sakong basurang itinatapon sa estero.

Nakiusap si Amurao sa mga residente sa lugar na iwasan ang pagtatapon ng basura sa estero.