Mga nasunugan sa Tondo tumanggap ng P64M ayuda sa NHA

Jun I Legaspi May 29, 2026
31 Views

SunuganNAGKALOOB noong Mayo 29 si National Housing Authority General Manager Joeben Tai ng P64 milyon na tulong pinansyal sa 2,134 pamilyang nasunugan sa Parola, Tondo, Maynila noong Mayo 23.

Ang pamamahagi ng tulong kasunod ng pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa mga apektadong pamilya na tutulungan sila sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).

Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na nagbigay tulong-pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog, baha, lindol at iba pang kalamidad upang matulungan silang muling makabangon at makapagsimulang muli.

Tumanggap ang bawat pamilya ng P30,000 kaya umabot sa P64,020,000 ang naipamahagi sa mga benepisyaryo.

Kabilang sa mga nakatanggap ang mga pamilya mula sa Brgy. 275, Zone 25, Parola compound, partikular sa Gate 46, 52, 54, 56 at 58.

Tiniyak ni Tai sa mga apektadong pamilya na nananatiling matatag ang NHA sa paghahatid ng agarang tulong at mga programang pabahay para sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad at sakuna.

Kinilala rin ng NHA ang pakikipagtulungan ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na naging katuwang ng ahensya upang maisagawa nang maayos at mabilis ang pamamahagi ng ayuda.

Sa ilalim ng pamumuno ni GM Tai, pinapalakas ng NHA ang mga programa nito upang makapaghatid ng ligtas, matatag at sustenableng mga solusyon sa pabahay para sa mga pamilyang Pilipinong nangangailangan.

Ang aktibidad ay ginanap sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex at dinaluhan nina Mayor Isko Moreno, Manila Urban Settlements Office Head Jay Delafuente, NHA West Sector Regional Manager Cromwell Teves at mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan at NHA.