Bus Source: QCPD PIO

Senior citizen nasawi sa salpukan ng bus, armored van

28 Views

Bus1

Bus2
Source: QCPD PIO

PATAY ang isang senior citizen habang 21 iba pa ang sugatan matapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at armored van truck sa Quezon City, madaling araw ng Biyernes.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente dakong alas-5:08 ng umaga nitong Mayo 29 sa kanto ng Quezon Avenue at Senator Miriam Defensor Santiago Avenue sa Barangay Bagong Pag-asa.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtad ng pampasaherong bus na minamaneho ng 43-anyos na tsuper ang kahabaan ng Quezon Avenue mula Elliptical Road patungong EDSA nang makasalpukan nito ang isang Mitsubishi Canter armored van truck na minamaneho naman ng 45-anyos na lalaki na galing North Avenue at patungong East Avenue.

Pagsapit sa interseksyon ay nagbanggaan ang kanang gitnang bahagi ng bus at harapang kaliwang bahagi ng armored van truck na nagresulta sa pagkasira ng dalawang sasakyan at pagkakasugat ng 21 katao.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan para malapatan ng lunas.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician ang isang 62-anyos na lalaki.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang QCPD sa pamilya ng nasawi at hiniling ang agarang paggaling ng mga sugatan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng aksidente at kung sino ang may pananagutan sa insidente.

Pinaalalahanan din ng QCPD ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, sumunod sa batas-trapiko at pairalin ang disiplina sa kalsada upang maiwasan ang kaparehong aksidente.