QCPD pinaghahanap nanakit ng 73-anyos na TNVS driver

38 Views

PINAGHAHANAP na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang may-ari ng Mitsubishi Xpander matapos saktan ang 73-anyos na TNVS driver na nakaalitan nito sa trapiko sa lungsod, noong Huwebes.

Ang road rage incident ay nag-viral matapos i-post sa VISOR Facebook page.

Sa ulat, alas-11 ng umaga noong Huwebes (May 28) nang maganap ang insidente sa kanto ng 20th Ave., at P. Tuazon Boulevard, Brgy. Dioquino Zobel, Project 4, Quezon City.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng biktimang driver ng TNVS ang 20th Avenue at kumanan patungo sa P. Tuazon Boulevard, nang biglang i-cut ng Mitsubishi Xpander ang kanyang lane.

Pagkatapos ay bumaba ang driver ng nasabing sasakyan at nagbitaw ng mga masasakit na salita laban sa TNVS driver na umabot sa mainitang komprontasyon hanggang sa humantong sa pisikalan.

Dahil dito, agad nagsumbong ang TNVS driver sa Project 4 Police Station 8 na agad namang nagtungo sa Land Transportation Office (LTO), at doon ay nalamang nakarehistro sa pangalang “Recerpido,” residente ng Montalban, Rizal, ang may-ari ng Mitsubishi Xpander.

Kasunod nito, isang Show Cause Order (SCO) ang inisyu ng LTO sa rehistradong may-ari ng Mitsubishi Xpander upang ipaliwanag ang kanyang pagkakasangkot sa insidente.

Samantala, kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso, habang patuloy ang follow-up operation at pagtukoy sa driver.