Suspek sinita sa paninira ng bakod, nanuntok ng pulis

33 Views

SUGATAN ang isang pulis matapos suntukin sa mukha ng isa sa tatlong suspek na sinita nito habang sinisira ang isang bakod sa Quezon City, noong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa mga ulat, nakita ng isang pulis mula sa Eastwood Police Station (PS-12) ang mga suspek sa aktong naninira ng bakod sa kahabaan ng Eulogio Rodriguez Avenue, Barangay Libis, kung kaya’t agad niyang inutusan ang mga ito na huminto matapos magpakilala bilang isang pulis.

Subalit sa halip na tumigil, sinuntok sa mukha ng isa mga inarestong suspek ang pulis dahilan upang dumugo ang nguso ng huli.

Agad nagsagawa ng follow-up at hot pursuit operations ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), District Intelligence Division (DID) at PS-12 na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang suspek, habang ang dalawang kasabwat nito ay boluntaryong sumuko sa tulong ng mga opisyal ng barangay.

“Under Quezon City Ordinance No. SP-3163, S-2022, vandalism and the unauthorized defacement of walls, fences, structures, and other surfaces are strictly prohibited. Violators are subject to fines of P1,000 for the first offense, P2,000 for the second offense, and P3,000 for the third and subsequent offenses,” ayon sa Quezon City Police District.

Kasong direct assault with physical injury at paglabag sa Quezon City Ordinance No. SP-2342, S-2014 (Quezon City Anti-Vandalism Ordinance) ang isinampa laban sa mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.