Binaril na welder, utas

35 Views

DEAD-on-the-spot ang 52-anyos na welder matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki na nagtanong tungkol sa pinost niyang ‘for-sale double-deck bed’ sa FB sa Quezon City noong Miyerkules.

Ang biktima, si alyas Bulingkit, residente ng Lakatan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-5:00 ng hapon ng maganap ang pamamaril sa kanto ng Kagawad Road at Mabini St., Brgy. Batasan Hills.

Batay sa imbestigasyon ni P/MSg George Caculba, nasabi sa kasamahan ng biktima na si Boneo na nakatanggap siya ng mensahe at tawag mula sa hindi kilalang lalaki na nagtatanong tungkol sa double-deck na ipinost niya sa kanyang FB account.

Bandang alas-3:00 ng hapon. isang ‘di kilalang lalaki ang dumating doon at nagtanong muli tungkol sa for-sale double-deck bed na ipinost ng biktima at matapos ang maikling pakikipag-usap ay umalis ang una.

Makalipas ang ilang minuto, habang bumibili ng sigarilyo si Boneo sa karinderya sa nasabing lugar, ay nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Bumalik si Boneo sa kanilang pinagtatrabahuhan at doon ay nakita niya ang suspek na ilang beses na malapitang pinapuputukan ng baril ang biktima.

Namukhaan naman ni Boneo ang suspek ay ang taong naunang nakipagtransaksyon sa biktima.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo ng umanoy kasabwat nito na nagsilbing lookout.

Sa pagsusuri nina P/Maj. Eric Angay Angay, nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima na agaran nitong ikinamatay.

Nasamsam sa crime scene ang limang basyo ng bala ay dalawang deformed fired bullet mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.