Suspek

Italyano arestado sa pekeng robbery-snatching

39 Views

ARESTADO ang isang 34-anyos na Italian national matapos umanong maghain ng pekeng ulat ng robbery-snatching sa Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Johnny,” residente ng Claveria, Masbate.

Batay sa ulat ng Project 4 Police Station 8, nagtungo ang dayuhan sa himpilan dakong alas-11:10 ng gabi noong Hunyo 3 at iniulat na nabiktima umano siya ng robbery-snatching sa kahabaan ng P. Tuazon Boulevard sa Barangay Milagrosa, Project 4.

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng PS 8 sa pamumuno ni PLTCOL Geoffrey Lyndon Lim. Sinuri ng mga pulis ang mga CCTV footage sa lugar, nagsagawa ng route backtracking, beripikasyon sa mga testigo at inspeksiyon sa pinangyarihan ng umano’y insidente.

Gayunman, wala umanong nakitang anumang ebidensiya sa mga CCTV camera na magpapatunay na may naganap na holdap o snatching sa lugar na tinukoy ng dayuhan.

Lumabas din sa pagsusuri ng kanyang sinumpaang salaysay na may mga hindi tugmang detalye sa kanyang kuwento.

Sa kalaunan ay inamin umano ng dayuhan na gawa-gawa lamang ang kanyang reklamo at sadyang nagsumite siya ng sinumpaang salaysay na may maling impormasyon.

Dahil dito, inaresto siya ng mga awtoridad at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code o Perjury na isasampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay Quezon City Police District Director PBGEN Randy Glenn Silvio, seryosong paglabag ang paghahain ng maling ulat dahil nasasayang ang oras at resources ng pulisya na dapat ay nakalaan sa mga tunay na biktima ng krimen.