Bataan

Bataan nagdaos ng LEDIPO Forum

Christian Supnad Jun 27, 2026
95 Views

BALANGA CITY, Bataan – Ginanap ang InvestBataan: LEDIPO Forum 2026 sa lalawigang ito para lalong umangat ang ekonomiya ng probinsiya, ayon kay Gov. Joet Garcia.

Sa ginanap na forum noong Hunyo 25 sa Bataan Tourism Pavilion, ibinahagi ni Garcia sa mga Local Economic Development and Investment Promotions Officer (LEDIPO) ang malaking potensyal ng lalawigan para sa pamumuhunan.

Ipinagmalaki rin ng gobernador ang nalalapit na pagsisimula ng mga proyektong pang-imprastraktura, tulad ng Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) na mag uugnay sa Naic, Cavite at Mariveles, Bataan, at ang coastal road at coastal defense systems na tutulong para lalong bumuti ang kalakalan at biyahe patungo at mula sa lalawigan.

Ang BCIB, brainchild ni dating governor na ngayo’y congressman Abet Garcia, ay inaasahan na lalong magbubukas ng oportunidad na pang-ekonomiya sa Bataan.

Aabot ng 5 milyong sasakyan ang dadaan dito at makatutulong para ma-decongest ang Metro Manila.

“Patuloy din nating isinusulong ang paglipat sa electric vehicles at ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang lumikha nang mas maraming oportunidad para kumita at makapaghanapbuhay ang ating mga kababayan,” ayon kay Garcia.