Calendar
Publiko inaanyayahan ng MTRCB na magbalik sinehan
INAANYAYAHAN ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang publiko na muling magbalik-sinehan dahil samu’t saring kuwento, aksyon, katatawanan, drama
at misteryo ang naghihintay sa malaking tabing.
Kabilang sa mga bagong pelikulang sinuri at binigyan ng klasipikasyon ng MTRCB ang Drags to Riches, ang comedy film na pinagbibidahan nina Inigo Pascual, Elijah Canlas, at Christian Bables.
Nakakuha ito ng R-13 rating at mapapanood eksklusibo sa SM Cinemas.
Para naman sa mga mahilig sa makabuluhang drama, may First Light na pinagbibidahan ng mga batikang aktor na sina Ruby Ruiz at Maricel Soriano kasama sina Kare Adea, Rez Cortez, Kidlat
Tahimik, Soliman Cruz at Lui Manansala. Binigyan ito ng PG o Parental Guidance rating.
PG rating din ang nakuha ng A Quiet Bloom, isang BisayaFlix production na tampok sina Victoria Ingram at Leigh Sunga.
Hindi rin pahuhuli ang mga superhero fans dahil darating na sa mga sinehan ang Supergirl: Woman of Tomorrow, na pinagbibidahan ni Milly Alcock bilang bagong mukha ng iconic DC heroine.
Nakakuha ito ng PG rating at inaasahang magbibigay ng exciting na adventure para sa buong pamilya.
Kung suspense at misteryo naman ang hanap, maaaring abangan ang South Korean thriller na The Eyes na pinagbibidahan ni Shin Min-a. Dahil sa mas mature na tema nito, binigyan ito ng R-16 rating.
Para naman sa mga mahilig sa musika at drama, mapapanood ang Power Ballad na pinagbibidahan ng international star na si Nick Jonas. Nakakuha ito ng R-13 rating.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, patuloy na hinihikayat ng Board ang publiko na suportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino at internasyonal sa pamamagitan ng panonood sa mga sinehan.
“Patuloy naming hinihikayat ang publiko na suportahan ang panonood sa sinehan at maging gabay ang MTRCB ratings sa pagpili ng mga pelikulang naaangkop para sa kanilang pamilya. Ang iba’t ibang pelikulang ito ay nagpapakita ng lawak ng kuwento at karanasang maaaring mapanood ng mga Pilipino sa malaking tabing,” ani Sotto.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Sotto ang mga magulang at guardian na sundin ang age classifications at advisories ng MTRCB upang maging ligtas at mas makabuluhan ang panonood
ng pelikula.
“Ang G o General Audience ay nangangahulugang ang pelikula ay angkop para sa lahat ng edad.
Ang PG o Parental Guidance naman ay nangangailangan ng patnubay ng mga magulang para sa mas batang manonood,” paliwanag niya.
“Ang R-13 ay para lamang sa mga edad 13 pataas, habang ang R-16 ay para sa mga edad 16 pataas.
Ang R-18 naman ay eksklusibo para sa mga nasa hustong gulang. Ang mga rating na ito ay hindi pagbabawal kundi gabay upang matiyak na naaangkop ang content sa edad at antas ng pag-unawa ng manonood,” dagdag pa niya.
Kaya bago bumili ng ticket, huwag kalimutang tingnan muna ang MTRCB rating, paalala ni Sotto.
