Calendar
‘TNT’ sa sariling bayan
DISMAYADO pala ang maraming motorista sa paraan ngayon ng pagtatakda ng Department of Energy (DOE) sa lingguhang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Noong una kasi na mapasailalim sa kapangyarihan ng DOE ang pagtatakda ng lingguhang paggalaw sa presyo ng langis bunga ng krisis sa Gitnang Silangan, sakto at hindi puwedeng itaas o ibaba ng mga kompanya ng langis ang itatakda nilang presyo na ibinabatay sa paggalaw ng kalakalan ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
May banta pa nga ang ahensiya sa mga oil companies na hindi puwedeng lumagpas sa itatakda nilang presyo kapag may rollback kaya pantay-pantay ang halaga ng ibabawas ng mga kompanya ng langis, dambuhala man sila o maliliit na kompanya.
Yun nga lang, may mga kompanya talaga ng langis na bago pa man magkaroon ng krisis ay mataas na o mababa ang presyo ng kanilang mga produkto dahil na rin sa umiiral na oil deregulation law na layunin daw na makahikayat ng mamumuhunan at maging masigla ang kompetisyon sa presyuhan ng langis na sa tingin ng marami ay hindi naman nangyari.
Kaya nang ideklara ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang State of National Energy Emergency noong Marso 24 dahil sa pagsiklab ng giyera sa Gitnang Silangan, ang DOE na ang nagtatakda kung magkano ang itataas at ibababa sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Iniiwasan kasi ng pamahalaan na magkutsabahan ang mga kompanya ng langis sa pagtatakda ng presyo ng kanilang produkto tulad ng nangyayari bago pa man ang krisis kung saan pare-pareho ang pagtatakda nila ng price hike o rollback.
Pero nitong mga nakaraang linggo, naging maluwag ang DOE sa pagtatakda ng lingguhang presyo dahil kapag nag-anunsiyo sila ng paggalaw sa presyo ng langis, binibigyan nila ng pagkakataon ang mga kompanya na mamili sa itatakda nilang posibleng pagtaas o pagbaba ng halaga nito.
Siyempre, sino ba namang negosyante ang magnanais na ibaba ang presyo ng kanilang produkto, gayung puwede naman nilang piliin ang pagtataas na itinakda rin ng DOE.
Dating Perya Queen ng Maynila, imbudo kay Yorme
IMBIYERNANG-imbiyerna pala ang dating tinaguriang “Perya Queen” ng Maynila na si alyas “M” kay Yorme Isko Moreno dahil mula raw nang maupo ang alkalde, hindi na siya nakapaglagay ng perya sa lungsod.
Noon pa man kasi ay hindi na talaga pinapahintulutan ni Yorme ang paglalagay ng perya sa Maynila dahil bistado niya na ginagamit lang ito bilang front ng ilegal na sugal.
Ang nangyari tuloy, ang dati raw burgis na dating perya queen na paiba-iba ang sasakyan, purdoy na purdoy na ngayon at baon na baon na sa utang na hindi na niya mabayaran.
Missing in action na nga raw ngayon si alyas “M” na kilala rin bilang “Drama Queen” dahil sa dami umano ng mga naghahabol na inutangan niya na binayaran lang ng matatamis na pangako.
Maging ang mga dati raw na naging malalapit na kaibigan na nagtiwala at naawa sa kanyang kalagayan ay kinatalo at pinagtaguan na rin ni alyas M, patunay daw na hindi na siya makontak sa numero ng kanyang cellphone.
Minsan na rin palang dumayo sa Caloocan City para maglagay ng peryahan si alyas M pero hindi rin nagtagal dahil sinuba rin niya ang kausap na lokal at barangay officials
Sa ngayon, naubos na raw ang kabuhayan ng dating perya queen kaya mistula na lang siyang TNT sa sariling bayan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
