Calendar
Biyuda 2 araw nilimas ang bahay ng 2 kaibigan ng anak
ARESTADO ang dalawang kawatan na lumimas umano sa mga kagamitan, alahas, at gadget sa bahay ng 54-anyos na biyuda sa Caloocan City matapos matunton ng pulisya Huwebes ng hapon sa Malabon City.
Sa nakarating na ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, umalis ang biktimang si alyas Mary upang gampanan ang trabaho sa Ilocos Sur noong Hunyo 30.
Bago umalis ang biktima ay tiniyak na nakakandado ang pintuan sa harap at likod ng kanyang bahay sa Jude Street, Kingstown II, Barangay 171, Bagumbong.
Nang dumating ang biktima noong alas-9:10 Huwebes ng umaga, Hulyo 9, nagulat siya dahil nalimas na halos lahat ang mga gamit at alahas sa kanyang bahay at wasak din ang likurang pintuan ng bahay na posibleng dinaanan ng mga suspek.
Isang testigo ang nakasaksi sa ginawang paghahakot ng mga suspek sa kagamitan ng biktima noong araw ng Martes at Miyerkules na isinakay sa Mitsubish Mirage.
Nagsagawa kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina alyas “Olatorio” 28, at alyas “Borbes”, 29, dakong alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Flores, Malabon City.
Nabawi sa mga suspek ang P45,000 halaga ng automatic washing machine, P25,000 halaga ng oven, P7,000 na turbo broiler, P35,000 na ice crusher, P15,000 na cake mixer, at P25,000 na steamer na kabilang sa kanilang tinangay, habang hindi pa nababawi ang gold necklace, gold bracelet, gold ring, Louie Vuitton wrist watch na may kabuuang halagang P290,000.00, pati na ang P34,000 Samsung refrigerator, P65,000 split type aircon, at P70,000 na Apple Ipod.
Sinabi ni BGen. Cinco na magiging bahagi na rin ng imbestigasyon ang anak na lalaki ng biktima matapos aminin ng biyuda na kaibigan ng kanyang anak ang mga nadakip na suspek.

