Nakaw Kulungan ang kinahantungan ng mga suspek na nanloob sa isang bahay sa Sampaloc, Manila. JONJON C. REYES

Parak kumilos; tiklo 2 suspek sa nakawan

Jon-jon Reyes Jul 10, 2026
36 Views

ARESTADO ng mga operatiba ng Gulod PCP-Sampaloc police station ng Manila Police District ang dalawa sa tatlong kawatan na umano’y nanloob sa 2003 Masbate corner Luzon St., Brgy 426, Sampaloc, Manila noong Miyerkules.

Nakilala ang mga suspek na sina alyas Barey, 33; at Jonjon, 56, ayon sa report ng pulisya.

Mula July 1 hanggang 7, labas-pasok ang dalawa sa bahay nina alyas Emelinda, 55, ayon sa report.

Natuklasan ang pagnanakaw bandang alas-7:00 ng umaga noong Hulyo 8.

Pagpasok sa bahay, napansin nilang magulo ang loob at sinuri ang likurang bahagi at natuklasang sapilitang binuksan ang pintuan.

Sa pagsusuri gamit ang CCTV, nakilala ng mga biktima ang dalawa sa tatlong suspek na kanilang mga kapitbahay nila.

Paulit-ulit na pumapasok at lumalabas ang mga suspek sa bahay ng mga biktima habang may dalang iba’t-ibang gamit sa bahay na pinaghihinalaang ninakaw.

Kabilang sa mga ninakaw na gamit ng biktimang si Emelinda ang 1 pulseras na ginto (P7,500); 1 silver Fossil (P15,000); 1 kuwintas na perlas (P5,000); 1 Seiko (P8,000); 1 Coach bag (P10,000); 1 hikaw na ginto (P7,000); 1 kalan na de-gas (P2,500); 2 Bluetooth speaker (P2,000); 1 G-Shock (P2,500); 5 electric fans na sira (P2,500); 1 relo na stainless Korean (P4,500); 3 relo na walang tatak (P10,000); at iba’t-ibang accessories (P15,000).

Nanakaw sa biktimang si JV ang 1 mountain bike (P15,000); 1 amplifier (P750); 1 bass amplifier (P1,600); 1 power cord (P2,000); at 1 MSI computer monitor (P2,000).

Sa kabuuang halaga, P113,650 ang nanakaw kay Emelinda.

Nabawi ang tala box mula sa mga suspek na naglalaman ng singsing at kuwintas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P300.00.

Nagsagawa ng follow-up operation sina PSSg Renan Cabig, PSSg Frances May Sansano, Pat Romnick Cuyos at Pat Lexis Mark ng Gulod PCP na nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek sa tapat ng bahay ng mga biktima.

Ang nakatakas na isa pang suspek ay patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Dinala sa Ospital ng Sampaloc ang 3 suspek para sa pagsusuring medikal at sa Sampaloc police station para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.

Sasampahan ng kasong robbery in an inhabited place ang mga naarestong suspek at mananatili sa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang inquest proceedings mula sa Prosecutor’s Office.