PWD

Caloocan palalawakin oportunidad sa trabaho ng PWDs

Edd Reyes Jul 13, 2026
27 Views

LUMAGDA sa kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa Be Connected Management Services na isang hakbang na nagpapalawak ng oportunidad sa pagkakaloob ng trabaho sa mga Persons With Disability (PWDs).

Ang pakikipag-partner ng lokal na pamahalaan sa naturang kompanya ay para sa implementasyon ng “Project Ability and Mobility” na bahagi pa rin ng pagsisikap na matiyak na ang lahat ng mamamayan ay magkaroon ng makabuluhang trabaho.

Sa ilalim ng naturang programa, ang mga kuwalipikadong PWDs, ay ipapakilala sa mga employers upang mabigyan sila ng trabaho na nakabatay sa kanilang kaalaman.

Binigyang diin ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang lokal na pamahalaan ay nakatuon sa paglikha ng pantay na oportunidad sa lahat ng kanilang mamamayan na mabigyan ng pagkakataong magbigay ng kanilang kontribusyon sa komunidad.

“Tiwala po tayo sa kakayahan ng ating mga kababayan at titiyakin natin na sa ating liderato ay nabibigyan sila ng pantay na karapatan, oportunidad, at pagpapahalaga,” pahayag ng alkalde.