Student

NETIZEN NAGBANTANG ‘KAKATAYIN’ MGA GURO, ESTUDYANTE SA QC SCHOOL

38 Views

INIIMBESTIGAHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang kumalat na screenshot sa social media na naglalaman ng umano’y banta laban sa isang elementary school sa Quezon City.

Ayon sa QCPD, agad na nagsagawa ng beripikasyon ang Holy Spirit Police Station 14 at nagdeploy ng mga pulis sa paaralan upang tiyakin ang seguridad ng mga estudyante, guro at iba pang nasa loob ng eskwelahan.

Sa paunang imbestigasyon, napansin ng pulisya na ang nakasaad na “DONYA” sa screenshot ay hindi tugma sa opisyal na pangalan ng nasabing paaralan, kaya patuloy pang bineberipika kung may kaugnayan nga ito sa naturang paaralan.

Nagsasagawa na rin ng cyber tracing ang QCPD upang matukoy ang pinagmulan ng viral na Facebook Messenger screenshot.

Sa ngayon, wala namang namo-monitor na kahina-hinalang aktibidad o anumang kapani-paniwalang banta sa loob at paligid ng paaralan, ayon sa pulisya.

Patuloy namang nakaalerto ang QCPD at pinayuhan ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad na iulat sa pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.