Suspek

Pasahero kinadyot MR rider, pumanaw

Edd Reyes Jul 14, 2026
37 Views

TODAS ang 46-anyos na motorcycle taxi rider ng saksakin ng pasaherong tumangay sa kanyang motorsiklo noong Martes sa Caloocan City.

Patay na nadala sa Caloocan City Medical Center ang Move It rider na si alyas Norberto sanhi ng mga saksak sa tagiliran habang nadakip ang suspek na si alyas Jeffrey, 43, matapos muling mangholdap at manaksak ng grab driver sa Malabon City.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-2:55 ng madaling araw nang tangayin ng suspek ang motorsiklo ng biktima matapos saksakin pagdating sa Block 10, Talangka St., Brgy. 20 Caloocan City.

Tumakas patungong Malabon ang suspek tangay ang motorsiklo pero pagsapit sa Dulong Borromeo Proper, Brgy. Longos hinoldap naman ang Grab driver na si alyas Jhamel, 21.

Nanlaban ang biktima na dahilan para siya saksakin ng salarin.

Sa kabila ng tama ng saksak, nakahingi ng tulong si Jhamel sa mga kalalakihan sa lugar na humabol sa suspek hanggang masukol sa tinakbuhang dead-end na eskinita kung saan siya pinagbubugbog bago i-turn over sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station -5.

Nabawi sa suspek ang tinangay na mobile phone sa sugatang biktima, pati na ang ice pick na gamit sa pananaksak at ang NMAX motorcycle na tinangay sa unang biktima.