Calendar
2 bilang ng murder kinaso sa 6 suspek ng billiards patron
Sinampahan na ng two counts of murder ang anim na suspek na itinuturong responsable sa pamamaril at pagpatay sa billiards patron na si Ceferino “Perry” Mariano at sa kanyang drayber na si Norberto Orimaco sa Quezon City noong Abril, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Miyerkules.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), isinampa noong Hulyo 13 ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang two counts murder at paglabag sa Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act laban kina alyas “Uno,” “Besa,” “Boy,” “Bore,” “Frapa,” at “Pajo” sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng puting Suzuki S-Presso ang mga biktima sa Timog Avenue cor. EDSA, Barangay South Triangle, Quezon City noong Abril 28. nang pagbabarilin ng dalawang armadong suspek na magkaangkas sa isang Yamaha Mio 125. Kapwa sila namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center.
Sa follow-up operation, narekober ng mga pulis ang motorsiklong ginamit sa pagtakas sa Scout Rallos. Naging daan ito sa pagkilala sa mga suspek sa pamamagitan ng CCTV backtracking, testimonya ng mga saksi, digital forensic examination, intelligence validation, pagberipika ng GCash transaction, at social media profiling.
Lumabas din sa ballistic examination na tumugma ang mga basyong narekober sa pinangyarihan ng krimen sa mga ebidensiya mula sa naunang pamamaril sa Arayat, Pampanga. Ipinapakita nito na posibleng iisang .45 caliber na baril ang ginamit sa dalawang insidente.
Patuloy naman ang operasyon ng QCPD upang madakip ang mga suspek at maiharap sa hukuman.

