Calendar
SCO ipinadala sa MMDA exec na nanita ng guro
PINADALHAN ng show-cause order (SCO) ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes si Special Operations Group-Strike Force head Gabriel Go upang pagpaliwanagin sa nag-viral na video ng paninita sa isang guro.
Ayon kay Artes, natanggap nila ang reklamo ng Teachers’ Dignity Coalition at ACT Teachers Party List noong Miyerkules at sinabihan si Go na huwag na muna pangunahan o lumahok sa clearing operation hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon..
Naniniwala si Artes na hindi intensiyon ni Go na ipahiya at lahatin ang mga guro nang sabihan niya ang nasitang teacher kung paano niya tuturuan ng tama ang mga estudyante.
Sa naturang video, nakita pa ang tangkang pag U-turn ng guro upang makaiwas sa huli at aminado naman siyang nagkamali dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Paliwanag pa ng MMDA chief, may umiiral namang panuntunan ang ahensiya sa mga empleyadong nagpo-post sa socmed partikular ang pagbabawal na magpahiya ng ibang tao kaya’t ito ang titingnan nila kung may paglabag na nagawa si Go.
Kailangan din naman aniya nilang mag-post sa socmed upang ipakita sa publiko na may ginagawa silang trabaho, umaaksyon sa mga reklamo, maturuan ang mga kababayan sa mga maling gawain para hindi pamarisan, at proteksyon din sa kanilang kawani.

