QCPD

B-day boy ninenok sling bag ng sekyu para pambili ng handa, tiklo

28 Views

NAARESTO noong Hulyo 14 ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaki na umano’y tumangay ng sling bag ng security guard sa Brgy. Immaculate Conception upang may pambili ng handa sa kanyang birthday.

Ayon sa report, nangyari ang insidente ng pumarada ang biktima sa lugar upang maghatid ng mga dokumento at iniwan ang gamit sa loob ng naka-hazard na sasakyan.

Naiwan sa driver’s seat ang sling bag na naglalaman ng 9mm pistol, cellphone, P1,300 cash at ilang identification card.

Pagbalik ng biktima, nawawala na ang kanyang bag.

Isang saksi ang nakakita umano sa dalawang lalaki na tumatakas mula sa lugar at agad itong ipinaalam sa biktima. Sinubukan pa silang habulin ngunit nakatakas ang mga suspek kaya agad na humingi ng tulong sa pulisya.

Nagsagawa ng follow-up ang mga operatiba ng Kamuning Police Station (PS-10) na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa sa mga suspek matapos siyang positibong matukoy ng testigo.

Inamin umano ng suspek na tinangay niya ang sling bag ng security guard upang may maipambili at maipanghanda para sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan kinabukasan.

Nahaharap ang suspek sa kasong theft o paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).