Arestado Source: QCPD

Luxury bag, P3M nabawi dahil sa tracking device, nangnenok tiklo

32 Views

NAARESTO sa tulong ng tracking device na nakakabit sa luxury bag ang isang lalaki na umano’y tumangay ng P3 milyon mula sa isang recruitment agency owner noong Huwebes.

Naaresto ang suspek alas-6:00 ng umaga noong Hulyo 23 sa Brgy. Payatas sa operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Narekober din ang P2.8 milyong cash, luxury handbag at designer sunglasses ng biktima.

Sa imbestigasyon, nagpanggap ang suspek na kinatawan ng isang organisasyong nag-aacredit ng mga recruitment agency na nagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.

Sinabi ng suspek sa 48-anyos na biktima na kailangan niyang magbukas ng dollar account bilang bahagi ng accreditation process.

Dahil dito, nag-withdraw ang biktima ng P3 milyon mula sa kanyang mga bank account at nakipagkita sa suspek noong Hulyo 22.

Matapos matanggap ang pera, hiniram umano ng suspek ang luxury handbag ng biktima kung saan inilagay ang cash, at sinabing kukunin lamang niya ang katumbas na US dollars sa kanyang sasakyan pero hindi na ito bumalik.

Patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad ang natitirang hindi pa nababawi na pera habang nakapiit na ang suspek at sasampahan ng kasong estafa.