Pasay

Narinig na putok ng baril sa paaralan sa Pasay ‘wow mali’

Edd Reyes Jul 23, 2026
32 Views

SUMUGOD ang kapulisan sa Pasay City East High School matapos makatanggap ng tawag na may narinig na putok ng baril sa loob ng naturang paaralan Huwebes ng umaga.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga tauhan ni Malibay Pasay Police Sub-Station 6 Commander P/Capt. Rolito Lazo, Jr. para beripikahin pa ang natanggap tawag dakong alas-8:04 ng umaga at kaagad na nagtungo sa naturang paaralan sa Rodriguez St. Brgy. 161 Malibay.

Matapos ang pakikipag-koordinasyon sa pamunuan ng paaralan, nagsagawa kaagad ng tahimik na pagsusuri sina P/SMS Ronald Abbariao, P/SSg. Redento Datul, P/Cpl. Federico Necomedes, at Pat. Joenard Addun upang hindi mabulabog ang mga estudyante.

Matapos mag-negatibo ang ginawang pagsusuri sa umano’y narinig na putok ng baril sa loob ng paaralan, nagpasalamat sina Assistant Principal Roger Escarila at Adviser ng Duhat Section Ma. Corazon Prias sa mabilis na pagresponde ng mga pulis.

Tiniyak naman ng tanggapan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagiging alisto at mabilis na responde ng lokal na kapulisan sa ganitong mga uri ng insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.