Calendar
Sunog hinihinalang sanhi ng kableng nagputukan sa Pasay
DEDO ang 39-anyos na lalaki matapos ma-trap sa loob ng nasunog na bahay noong Linggo sa Pasay City.
Natagpuan ng mga tauhan ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) ang bangkay ng biktima sa 1st floor ng paupahang bahay pasado alas-5:00 ng umaga.
Nauna rito’y narinig pa ng kanyang mga kapitbahay ang pagsigaw ng biktima na humihingi ng tulong habang nasa ikalawang palapag subalit ng buksan ang pintuan sa unang palapag, makapal na usok at apoy na ang sumalubong sa kanila.
Sa ulat ni Pasay City Fire Marshal F/Supt. Alma Cassandra Gardose, sumiklab ang sunog pasado alas-3:00 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng bahay sa Gamban St., Brgy. 139 at mabilis na kumalat sa dikit-dikit na kabahayan.
Nadamay sa sunog ang anim pang kabahayan, ang katabing barangay hall, day care center at ang nakaparadang motorsiklo. Naapula ang apoy alas-4:53 ng umaga
Hinihinalang nagmula sa nagputukang kawad ng kuryente ang sanhi na sunog na umabot lang sa unang alarma at tumupok sa tinatayang P900,000 halaga ng mga ari-arian.
Nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 138 ang 7 pamilyang nasunugan at pinadalhan ng pagkain ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.

