Hot News

Materyales para sa bomba nakita malapit sa Senado

Edd Reyes Jul 27, 2026
27 Views
Bomba
Source: SPD-PIO

KINUMPIRMA ng pulisya na pawang mga materyales sa paglikha ng bomba ang natagpuan sa center island sa Diokno Boulevard malapit sa harap ng gusali ng Senado Lunes ng umaga sa Pasay City.

Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, dakong alas-8:13 ng umaga nang ipabatid ng isang kawani ng towing service sa nagpapatrulyang pulis na may bomba sa center island sa Brgy. 76.

Nang magtungo sa lugar ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD) Team ng Pasay police, kaagad silang nagsagawa ng masusing pagsusuri at dito nakumpirma na pawang mga materyales sa paggawa ng pampasabog ang natagpuan sa lugar kabilang ang isang 9-volts na baterya, blasting cap, orasan, at isang plastic jar na naglalaman ng kulay brown na powdery substance na hinihinalang materyal na pampasabog.

Sinabi ni Col. De Sesto na naging matagumpay at ligtas ang ginawang pagsusuri at paghawak ng team ng EOD sa hinihinalang Improvised Explosive Device (IED) ng walang naganap na hindi inaasahang pangyayari.

Hinimok naman ni BGen. Cinco ang publiko na kaagad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o tumawag sa hotline 911 kung may nakitang kahina-hinalang bagay o taong may kahina-hinalang kilos na magsisilbing panganib sa buhay at ari-arian.