QCPD

‘Mag-sex tayo ulit o ikalat ko video natin?’

24 Views

ARESTADO ang isang 36-anyos na lalaki sa isang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) matapos umanong takutin ang isang babae na ikakalat ang kanilang maselang video kapag tumanggi itong makipagkita at makipagtalik muli sa kanya.

Ayon sa report, nagkakilala ang dalawa sa isang online platform kung saan nangako umano ang suspek ng pinansyal na tulong sa biktima. Noong Hulyo 18, nagkita sila sa Pasig City at nauwi sa pagtatalik.

Bago sila naghiwalay, binura umano ng suspek ang kanilang online conversation at saka ibinlock ang contact number ng babae kaya hindi na nito nalaman ang tunay na pagkakakilanlan ng lalaki.

Noong Hulyo 27, nakatanggap ang biktima ng mga mensahe mula sa suspek na nagbabantang ipapakalat ang kanilang maselang video kung hindi ito makikipagkita at makikipagtalik muli sa kanya.

Dahil sa takot, nagsumbong ang biktima sa Talipapa Police Station 3 na agad nagsagawa ng entrapment operation sa harap ng Jollibee sa Quirino Highway, Barangay Talipapa, kung saan naaresto ang suspek.

Narekober mula sa suspek ang isang VIVO at isang REDMI cellular phone.

Nahaharap ang suspek sa kasong Grave Coercion kaugnay ng Cybercrime Prevention Act at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act.