Sunog

Gusali sa Pandacan, kabahayan sa Tondo tinupok ng apoy

Jon-jon Reyes Jul 29, 2026
99 Views

Sunog1Sunog2

Sunog3
Ang nasusunog ng gusali sa Residencia de Manila sa Pandacan habang inaapula ng mga pamatay sunog gamit ang Fire Engine ladder truck..

DALAWA sunog ang sumiklab nitong Miyerkules sa Tondo at Pandacan, Maynila.

Aabot sa 25 pamilya ang naapektuhan ng sunog sa Residencias de Manila Building 1 na matatagpuan sa Jesus Street, Pandacan.

Ayon kay Brgy 830, Zone 90 Chairman Efren Medina, pasado alas 5:15 ng umaga nang magsimula ang sunog sa ikaapat na palapag ng gusali.

Ayon kay Medina, walang elevator ang gusali kaya maraming unit owner ang pinaupahan o pinatirahan sa kanilang kaanak ang kanilang unit.

Loft type din aniya ito at gawa sa plywood ang mga kisame kaya mabilis na kumalat ang apoy

Ligtas namang nailikas ng mga rescuer ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) ang isang person with disability (PWD) mula sa nasusunog na gusali

Sa looby ng adjustment building ng Building 7 at 8 muna sumilong ang ilang pamilya habang ang iba ay pansamantalang tutuloy sa basketball court ng Brgy 830 na makikita sa ilalim Mabini Bridge.

Inirekomenda rin ng kapitan ang suspensyon ng klase sa morning shift ng Carlos P. Garcia High School para bigyang daan ang mga bumbero at emergency vehicle na rumesponde sa sunog.

Sa isang panayam, nilinaw ni Manila Fire District Fire Senior Superintendent Eddie Tanawan na gumana ang sprinkler fire alarm ng gusali.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog.

Samantala, natupok din ang isang residential area sa Dagupan Extension sa Tondo, Manila. Bandang 3:55 ng madaling araw nagsimula ang sunog at umabot sa ikatlong alarma.

Ayon kay BFP Manila chief Eddie Tanawan, nasa 32 pamilya naman ang nawalan ng tahanan at sila ay pansamantalang tumuloy sa covered court sa Bgy. 185 sa Tondo.