Calendar
Kelot binoga sariling dibdib sa firing range, tigok
TINARGET ng 25-anyos na kelot ang kanyang dibdib sa loob ng isang firing range habang inaalalayan ng range officer sa pagsasanay sa pagtudla Miyerkules ng hapon sa Makati City.
Sinubukan pang iligtas ng nagrespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang biktimang si alyas “Kian” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) bago isinugod sa Makati Medical Center kung saan idineklarang dead-on-arrival dakong alas-6:00 ng gabi.
Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagtungo ang biktima sa firing ranage sa Chino Roces Avenue dakong alas-4:32 at nagparehistro para magsanay sa pagtudla.
Naghintay pa ng 20 minuto ang biktima sa waiting area bago sumalang sa shooting range kung saan inaalalayan siya ng range officer na si Venancio Magdaraog, Jr.
Nakapagpaputok pa ng ilang beses sa target range ang biktima bago biglang ipinutok ang hawak na kalibre .9mm pistol sa kanyang dibdib kung saan tumagos pa ang bala at bahagyang nahagip ang palad ng range officer na nakahawak sa kanyang balikat.
Sa ginawang pagproseso ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakuha sa lugar ang baril na ginamit ng biktima na may dalawa pang bala sa magazine, habang sa loob ng dala niyang bag ay nakita ang maraming suicide notes para sa iba’t-ibang tao na kanyang pinagbilinan.

